Binago ng pandemyang COVID-19 ang buhay nating lahat. Kasama na rito ang edukasyon ng ating mga anak.
Nakasanayan na natin na umalalay sa ating mga anak sa mga paghahanda nila sa pagpasok sa eskwela tuwing umaga mula Lunes hanggang Biyernes. Sa taong 2020, kinailangan nating harapin ang mga pagbabago. Ilan dito ay ang pagkatuto sa pamamagitan ng module at online. Dahil dito, kinailangan sa pag-aaral ng ating mga anak ang mga bagay na makatutulong sa kanyang pagkatuto sa tahanan. Ilan dito ay ang gadgets pati na rin ang internet connection. Gayunpaman, higit na naging mas kailangan ang ating mahigpit na paggabay sa kanila.
Ang mga pagbabagong ito ay nagdulot sa atin upang tanungin ang ating mga sarili. Sapat ba ang ating kakayahan at handa ba tayong mga magulang na turuan ang ating mga anak?
Ang modyul na ito ay naglalayon na matulungang gabayan ang mga magulang kung paano maging guro sa tahanan para sa ating mga anak.